Regulasyon sa window tint ng mga sasakyan, ilalabas sa susunod na taon

(Eagle News) – Inaasahang ilalabas ng Department of Transportation (DOTr) sa unang quarter ng 2018 ang kanilang kautusan na magsasaad ng katanggap-tanggap na grade para sa tint ng mga bintana ng sasakyan.

Ayon kay Transport Undersecretary for Roads at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Tim Orbos, hinihintay na lang nila ang pinal na rekomendasyon ng kanilang technical working group tungkol dito.

Maliban kasi sa pagtitiyak ng kaligtasan at seguridad, makakatulong aniya ang regulasyon sa car window tints sa MMDA sa pagpapatupad nito ng high occupancy vehicle (HOV) lane sa EDSA. Matatandaang pinalawig pa ng MMDA ang pagpapatupad nila ng HOV lane sa EDSA hanggang sa unang linggo ng Enero upang mas makakuha ng datos tungkol sa naturang traffic scheme.