PNP: Apat katao, kabilang ang nagpapakilalang abogado at dating empleyado ng BIR, arestado sa QC dahil sa paggamit ng shabu

Ni Earlo Bringas
Eagle News Service

QUEZON CITY, Metro Manila (Eagle News) – Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District Station 10 ang apat na kalalakihan kabilang ang isang nagpakilalang abogado at dating empleyado ng Bureau of Internal Revenue matapos maaktuhan ang mga ito na gumagamit ng shabu nitong Miyerkules ng madaling araw.

Inaresto sina Raymond Rosales, Noel Lumagbas, Magdaleno Tabalera na retired empleyado ng BIR, at Arnel Torres na nagpakilalang abogado ng Reyes and Torres Law Offices  sa isang bahay sa Brgy. Central.

Ayon kay QCPD Station 10 Commander Christian dela Cruz, isinagawa nila ang operasyon dahil na rin sa natanggap nilang impormasyon mula sa informant na may nagpo-pot session sa lugar.

“Lahat sila, bale lahat sila diyan. Sila yong talagang nag-ipon ipon diyan tapos ginagawang pwestuhan yong bahay na yon,” pahayag ni Dela Cruz.

Todo tanggi naman ang tatlong suspek–Rosales, Lumagbas at Tabalera–na sa kanila ang mga shabu at ang gumamit sila ng mga ito.

Anila, nagsusugal lamang sila noong mga panahon na iyon.

Hindi naman makapagsalita si Torres.

Narekober sa mga suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu, mga drug paraphernalia at mga kagamitan sa pagsusugal.

Kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang apat na suspek.