Mga establisyimentong nagtatapon ng basura sa Manila Bay binantaang ipasasara ni Pangulong Duterte

(Eagle News) — Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu na simulan na ang paglilinis sa Manila Bay sa lalong madaling panahon.

Sinabi ng Pangulo na sa ayaw at sa gusto ng mga opisyal ng gobyerno at ng publiko, kailangan nang isailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay.

Kasabay nito ay binalaan ng Pangulo ang mga establisyimento na nagtatapon ng basura sa Manila Bay na ipasasara niya ang mga ito.

Inatasan din ng Pangulo ang mga establisyimento sa paligid ng Manila Bay kasama na ang mga hotel na maglagay ng kani-kanilang waste treatment facilities.

Una nang inaprubahan ng pangulo ang 47 bilyong pisong pondo na gagamitin sa rehabilitasyon ng manila bay na gusto nitong makumpleto sa loob ng natitira pa niyang termino.

DENR desididong ipasara ang mga establisyimento malapit sa Manila Bay

Bilang pagtugon naman sa kautusan ng Pangulo, hindi umano mag-aatubili ang DENR na ipasara ang mga establishimento na nakapalibot sa Manila Bay.

Ayon sa DENR, magsisimula ang rehabilitasyon sa Enero 27 kung kailan mapipilitan ang mga ito na isara ang mga establisyimento.

Magsasagawa muna sa susunod na linggo ng pagpupulong ang DENR at ilang mga ahensiya para sa nasabing rehabilitasyon. (With a report from Eagle News Service Vic Somintac)