Suspek sa pagpatay sa isang Amerikano sa Caloocan City, naaresto na

Si Romeo de Luna, Jr., ang suspek sa pagpatay sa isang Amerikano nitong Lunes, habang ipinipresenta ng pulisya sa media./Eagle News Service/

CALOOCAN CITY, Metro Manila (Eagle News) – Naaresto na ang suspek sa pagpatay sa isang Amerikano noong Lunes (July 10) sa loob ng inuupahan nitong bahay sa Sangandaan, Caloocan City.

Iprinesenta ng  Caloocan City Police ang suspek sa pagpatay kay James Budru na si Romeo de Luna, Jr., alyas Bugoy, isang 23 taong gulang na tricycle driver.

Naaresto si De Luna sa isinagawang followup operation ng mga awtoridad sa Brgy. 64, Caloocan City noong Martes ng gabi.

Ayon kay Police Senior Superintendent Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan City Police, base sa imbestigasyon, tinangkang halayin ni Budru si De Luna, kung kaya’t naglabas ito ng kutsilyo at pinagsasaksak ang biktima sa loob ng inuupahang bahay ng dayuhan sa PNR compound noong Lunes.

Walang suot na pang-itaas si Budru nang matagpuang patay sa loob ng bahay.

Ayon sa pulis, unang nagkakilala sina De Luna at  Budru nang niyaya niya ang Amerikano na makipag-inuman sa kaniya at iba pang mga kasama sa kaniyang bahay.

Kasalukuyan nang nakikipag ugnayan ang mga awtoridad sa United States Embassy.

 

Earlo Bringas – Eagle News Service