Mahigit P1M halaga ng shabu nasabat sa drug buy-bust operation sa Pasig City

(Eagle News) — Arestado ng Pasig City police ang hinihinalang miyembro ng Amin Buratong drug syndicate sa isang buy-bust operation sa Barangay Pineda, Martes ng gabi, Hunyo 4.

Kinilala ang suspek na si Antonio Intalan, 49 anyos, residente ng MRR Street sa Pasig City.

Anim na maliit na sachet ng shabu at 27 medium-sized sachet na tumitimbang ng 190 grams at mayroong street value na nagkakahalaga ng 1.25 million pesos ang nasabat sa suspek.

Si Intalan ay kabilang sa Top 10 high value target ng Eastern Police District.

Taong 2013, 2014 at 2017 nang maaresto ang suspek dahil sa kasong may kaugnayan pa rin sa iligal na droga subalit nakalaya matapos na siya ay makapag-piyansa.