Kanselasyon ng driver’s at firearm licenses ng road rage suspect, pinag-aaralan ng QCPD

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Pinag-aaralan na ng Quezon City Police District (QCPD) ang paghahain ng rekomendasyon sa Land Transportation Office para ipakansela ang driver’s license ng road rage suspect na si Nino San Gabriel.

Si San Gabriel ay inaresto ng mga tauhan ng QCPD Station 6 Martes ng gabi matapos na maghuramentado sa kahabaan ng Commonwealth Avenue dahil sa sobrang kalasingan.

Sa cellphone video na kuha ng isa sa mga pasahero, makikita ang pagbangga ng suspek sa UV Express van at ang pagsagasa at kaladkad sa motorsiklo ng Barangay Tanod na humarang sa kanya.

Nagawa pang makipaghabulan ng suspek sa mga pulis kahit pa binaril na ang gulong ng kanyang sasakyan.

Nang makorner sya ng mga pulis sa Holy Spirit Drive, dito na sya inaresto ng mga pulis.

Nabawi sa kanya ang dalawang baril kung saan isa dito ay wala umanong lisensya.

Kaya naman plano rin ng QCPD na irekomenda sa Philippine National Police Firearms and Explosives Office na irekomenda ang pagrevoke sa LTOP ng suspek.

Sinampahan na ang suspek ng patung-patong na kaso kabilang na ang reckless imprudence resulting to damage to property, drunk driving, direct assault, at illegal possession of firearms.

(Eagle News Service, Mar Gabriel)