Dalawang pulis, pinarangalan sa ipinakitang kabayanihan

MANILA, Philippines (Eagle News) — Sa kabila ng sunud-sunod na pagsibak sa mga tiwaling tauhan ng Philippine National Police (PNP), pinarangalan naman ni PNP Chief Ronald Dela Rosa ang dalawang pulis Maynila na nagpamalas ng kabayanihan kamakailan.

Sila ay sina PO2 Mel Bautista at PO1 Gester Verzosa.

Si Bautista, na ginawaran ng medalya, ang off-duty na pulis na humabol at umaresto sa isang snatcher sa Tondo habang angkas niya ang asawa at anak sa motorsiklo.

Si Verzosa, na ginawaran naman ng medalya ng kagitingan, ang pulis na nakuhanan ng CCTV na hinabol ng saksak ng isang nagwawalang lalaki na kanyang napatay.

Umaasa naman si Dela Rosa na magiging inspirasyon sa iba pang pulis ang dalawa.

Sinasalamin daw kasi ng dalawa ang daan-daang pulis na nagseserbisyo ng tapat sa bayan. Mar Gabriel