4 na katao, arestado sa drug buy-bust operation sa Tondo, Manila

TONDO, MANILA (Eagle News) — Apat katao ang arestado makaraang mahulihan ng ipinagbabawal na gamot sa ikinasang anti-drug operations ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa bisa ng search warrant, isa-isang hinalughog ng Special Enforcement Service ng PDEA ang tatlong bahay sa Brgy. 112 Tondo, Maynila.

Sa bahay ni Ramil Paragas sa C.P Garcia St. Corner Dandan Street nakuha ang mga sachet ng umano’y shabu at drug paraphernalia.

Nakita din sa kaparehong kalye ang apat na sachet ng hinihinalang shabu malapit sa lababo sa kwarto ni Vicente Anciado Jr. Habang sa drawer ng kwarto ni Ruel Maestro alias Yamson nakuha ang limang sachet ng illegal na droga.

Samantala, tatlong sachet ng shabu naman ang nakuha sa bahay ni Virgilio Estrada sa Osmeña Street.

Ayon sa PDEA, ginagawang drug den ang bahay nina Paragas at Estrada habang habang notoryus na pusher naman sina Anciado at Maestro.

Dinala sa PDEA headquarters ang mga suspek na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.