14 na menor de edad, arestado dahil sa paglabag sa curfew hour

(Eagle News) — Labing-apat na menor de edad ang nadampot sa isinagawang disciplinary hour ng Barangay Tandang Sora sa Quezon City.

Sa pangunguna ng Punong Barangay ng Tandang Sora na si Hector Geronimo kasama ang ilang miyembro  ng QCPD Station 3 at BPSO ay nag-ikot sa buong barangay upang gawin ang disciplinary hour sa mga menor de edad.

Pasado 10:30 ng gabi nang masumpungan ng mga otoridad ang ilang grupo ng kabataan ba naabutan na palakad-lakad sa kalsada na agad naman dinampot at isinakay sa sasakyan.

Maging ang mga nag-iinuman ng alak sa labas at mga walang suot na pang-itaas ay hindi rin nakaligtas, pinagsibahan at sinaway din ang mga ito.

Ayon kay Barangay Captain Hector Geronimo, araw-araw nilang  ginagawa ang disciplinary hour para sa mga kabataan para makaiwas sa mga krimen tuwing gabi.

Bwelta naman ng mga kabataang nahuli galing sila sa fiesta at tinapos lang ang nasabing programa. Subalit hindi pa rin natinag ang mga otoridad na hulihin ang mga lumabag sa curfew hour.

May 3 beses na  pagkakataon para pagsabihan ang mga menor de edad pati ang mga magulang sa paglabag sa curfew hour.

Samantala, ang patuloy na masumpungan sa ikalawa at ikatlong pagkakataon ay mahaharap sa pagbabayad ng multa maaaring makasuhan ang mga magulang.

(Eagle News Service Ian Jasper Ellazar)