1 Marine patay, 2 sugatan sa pamamaril sa Navotas City

METRO MANILA, Philippines (Eagle News) — Patay ang isang miyembro ng Philippine Marines habang sugatan ang dalawa pa, kabilang ang isang pulis matapos silang pagbabarilin sa Bisugo street, Barangay NBBS sa lungsod ng Navotas.

Kinilala ang namatay na biktimang si Philip Panelo, habang ang mga sugatan naman ay sina PO2 Clemencio Santos at isang pang lalaking hindi pa nakikilala.

Ayon kay Navotas City Police Operations Chief Police Senior Inspector Anthony Mondejar, lumabas sa kanilang imbestigasyon na humingi ng tulong si Panelo kay Santos dahil sa gulong nangyari sa karinderyang pag-aari ni Panelo.

Kasabay ng pagdating ni Santos ay dumating rin ang tatlong mga nakamotorsiklong lalaki na pinagbabaril si Panelo at nadamay lamang si Santos at ang isang tambay sa lugar.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pamamaril.