Suspek sa pagpatay sa kaniya umanong live-in partner, iniharap na sa piskalya


 

CABUYAO CITY, Laguna (Eagle News) — Iniharap na sa piskalya ng Cabuyao City, Laguna ang isa sa mga suspek sa pagkamatay ng natagpuang itinapong bangkay na nakabalot sa kumot sa bahagi ng South Luzon Expressway.

Hawak na rin ng Pasay Police ang tatlong kasabwat umano ni Alfredo Torres Jr. sa pagpatay kay Clarissalyn Lizardo, at kasalukuyan pang tinutugis ang isa pa.

November 28 pa daw napatay si Lizardo at itinapon umano ng mga suspek sa lugar noong November 30.

Nasiraan naman umano ang kotseng sinasakyan ni Torres kaya itinulak muna ito at ipinark sa isang gasolinahan sa SLEx.

Makalipas ang dalawang araw ay binalikan ni Torres ang sasakyan kasama ang isang mekaniko.

Dito na siya naaresto.

Nakuha sa kotse ng suspek ang isang kalibre .45 baril na hinihinalang ginamit ng suspek sa biktima.

Tinakot umano sila ni Torres kung kaya nila nagawang itapon si Lizardo.

Sa una nating panayam kay Torres ay itinatanggi pa nito ang krimen subalit kalaunan ay tumanggi na itong magsalita.

Humingi naman ng tawad ang magulang ni Torres na si Adoracion sa nagawa ng kanyang anak.

Labis naman ang sama ng loob ng ama ni Lizardo  na si Ronald sa ginawa sa kanyang anak.

(Eagle News Service Norberto Delfino)