Isa sa “persons of interest” sa masaker sa Bulacan, natagpuang patay

SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan (Eagle News) – Natagpuang patay sa gilid ng kalsada sa San Jose del Monte nitong Lunes ang isa sa itinuturing na “person of interest” sa pagpatay sa limang miyembro ng isang pamilya sa nasabing lungsod.

Nakahandusay sa gilid ng kalsada ang bangkay na mayroong nakataling karatula sa leeg na may nakasulat na na “adik at rapist ako huwag tularan.”

Kinumpirma ng mga awtoridad na ang natagpuang bangkay sa Northwinds Phase 7, pasado alas 5:00 ng madaling araw, ay si alyas Inggo na una nang binanggit ni Carmelino Ibañez na kasama umano niya sa paggawa ng krimen.

Samantala, pasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nasabing massacre case sa Bulacan.

Inatasan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang NBI na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa nangyaring krimen.

Pinamamadali rin ng kalihim ang case build-up laban sa mga suspek partikular na kay Ibañez na una nang umamin sa krimen kasama ang dalawa pang itinuturing na persons of interest.

Cez Rodil – Eagle News Correspondent, San Jose del Monte City