1 pulis, patay sa engkwentro sa NPA sa Bukidnon

PANGANTUCAN, Bukidnon (Eagle News) – Patay ang isang pulis matapos makasagupa ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa loob ng nakubkob na kampo sa mabundok na bahagi ng Bukidnon, kamakailan.

Ito ay matapos pasukin ng pinagsanib na puwersa ng 1st Special Forces Battalion ng Philippine Army at Provincial Police Public Safety Company ang kampo ng mga rebelde sa Brgy. Concepcion, Pangantucan.

Ayon kay Pangantucan Police Station Commander Senior Insp. Dominador Orate, Jr., nang magmasid ang pwersa ng gobyerno sa paligid ng kampo ay biglang may nagpaputok  na ilang miyembro ng mga rebelde at tinamaan sa likod si PO1 John Herbert Pingol.

Gumanti ang tropa ng gobyerno kaya may ilang nasugatan sa panig ng mga rebelde, na sa bandang huli ay umatras na rin.

Hindi pa naman matiyak kung ilan ang nasugatan sa panig ng NPA.

Naibalik pa sa headquarters sa Wao, Lanao del Sur si Pingol bago ito pumanaw.