Pagpasok ng mga turista sa Boracay hihigpitan sa reopening nito; dry run kasado na

(Eagle News) — Hihigpitan ng Department of Environment and Natural Resources ang pagpasok ng mga dayuhan maging ng mga lokal na turista sa isla ng Boracay simula ngayong araw, Oktubre 15.

Ito ang inihayag ni DENR spokesperson Usec. Jonas Leones kasunod ng isasagawang dry run o partial re-opening ng naturang isla matapos itong isailalim sa anim na buwang rehabilitasyon.

Ayon kay Leones, layon ng dry run na makita o mapag-aralan kung naging epektibo ang mga ginawa nilang hakbang para malinis ng tuluyan ang tubig sa isla bago ito tuluyang buksan sa Oktubre 26.

Magugunitang tinawag noon ni Pangulong Rodrigo Duterte na cesspool ang isla ng Boracay dahil sa over populated o sobrang dami ng mga taong nagtutungo rito kaya’t pansamantala itong isinara sa publiko.