Isang sundalo, patay sa bakbakan kontra NPA sa Nasipit, Agusan del Norte

(Photo courtesy of Ferdausi Cerna)

NASIPIT, Agusan del Norte (Eagle News) – Patuloy ngayon ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga militar laban sa grupong New People’s Army (NPA) matapos silang magka-engkwentro sa Hinandayan Brgy. Camagong sa lungsod ng Nasipit, Agusan del Norte.

Sa nasabing sagupaan ay isang sundalo ang naitalang napatay.

Ayon sa salaysay ni Lt. Kevin Gordolan, isang tropa mula sa 23rd Infantry Batallion, gabi ng November 18 ng nagsagawa ng security operation ang mga militar sa lugar nang makatagpo nila ang isang grupo ng mga armadong rebelde na pinaniniwalaang miyembro ng Guerilla Front Committee ng NPA. Doon na umano nagsimula ang bakbakan at natapos bandang alas 6:30 ng umaga ng November 19.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin pormal na pinapangalanan ng mga awtoridad ang nasawing sundalo sa nangyaring bakbakan.

Matapos ang insedente ay nagsagawa agad ng clearing operation ang mga awtoridad sa nasabing lugar.

(Eagle News Correspondent Nova Villafañe)