Ikalawang palapag ng isang sinehan sa Baguio City, nasunog

Ni Freddie Rullloda
Eagle News Correspondent

BAGUIO CITY (Eagle News) – Nasunog ang ikalawang palapag ng isang dating sinehan sa Lower Session Road, Baguio City, Lunes, bandang 7:05 ng gabi, kung saan umabot pa ito sa ikatlong alarma.

Naging pahirapan sa simula ang pag responde ng mga bumbero dahil sa mga sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada.

Pasado 8:00 na ng gabi ay patuloy pa rin ang paglaki ng apoy. Kaya agad na pinakiusapan ng mga otoridad ang mga nakatira sa katabi ng nasusunog na sinehan na agad nang mag-evacuate dahil posibleng madamay ang mga ito dahil karamihan sa paupahan  na katabi ng sinehan ay puno ng mga damit at gawa sa light materials lamang.

Ang mahahalagang damit naman sa katabing pawnshop naman ay agad na sininop ng may-ari nito. Habang ang ibang negosyante ay dali-dali ring kinuha ang mga gamit at paninda.

Ayon kay Fire Chief Inspector Nestor Gorio, idineklarang fire out at under control na ang sunog bandang 9:00 ng gabi.

Sa kasalukuyan ay patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog at kabuuang damage ng mga ari-arian dulot ng insidente.

Wala namang napaulat na mga nasawi o nasugatan sa naturang sunog.