Freelance model na suspek sa pagpatay sa negosyante noong 2016, arestado sa QC

Mugshot ni Nolan Macasantos, ang suspek sa pagpatay kay Florence Quijada noong 2016. /CIDG/

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

Naaresto ng mga otoridad  ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang negosyante sa Compostela Valley noong nakaraang taon.

Isang taon nang nagtatago si Nolan Macasantos, alias Nicco Santos, nang arestuhin ng mga operatiba ng Detective and Special Operations Unit ng Criminal Investigation and Detection Group sa condo unit sa Barangay Sto. Cristo, Quezon City nitong Huwebes, ika-30 ng Nobyembre, bandang 5:45 a.m. ng madaling araw.

Ang pag-aresto kay Macasantos, na sumisideline bilang modelo, ay bunga ng isang surveillance operation na ikinasa matapos magpalabas ng warrant of arrest si  Nabunturan, Compostela Valley Regional Trial Court Presiding Judge Cresenciana Cruz laban sa kaniya, pahayag ni Supt. Reydian Corales, hepe ng CIDG-DSOU sa isang press conference noong Biyernes, ika-1 ng Disyembre.

Ang warrant–na inisyu noong ika-27 ng Oktubre—ay may kinalaman sa pagpatay kay Florence “Indoi” Quico Quijada, na siyang negosyanteng partner ni Macasantos na natagpuan sa Agusan River noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Ayon kay Corales, “walang indikasyon na ginamitan ng weapon yung tao.”

“Basta may tama sa ulo at nakita na lang iyon nung natanggal ang packing tape sa ulo niya. Posible na pinalo ng hard object…Patuloy pa rin ang imbestigasyon. Inaalam pa natin ang motive,” dagdag niya.

Aminado naman ang suspek na nagtago siya noong mabalitaan na nawawala ang biktima.

Pero giit niya, wala siyang kinalaman sa krimen.

“Nabigla din ako because he is missing. Parang syempre, yung family, ako ang sinasabing suspect. Once  you are a suspect, guilty ka man o hindi, once you are detained, bubugbugin ka sa loob. That’s why I’m terrified. That’s why I ran away,” pahayag ni Macasantos.

Itinanggi rin ng suspek na nag-away sila ng biktima dahil sa pera.

“Even the Quijada family alam na hindi motive ang money if we are talking about P50,000 or P100,000. That’s not a reason to kill a person because ilang pera na rin ang dumaan sa amin, bakit ngayon pa na parang wala nang pera,” aniya.

Nakatakdang ilipad ang suspek pabalik sa Compostela Valley upang maharap niya ang nakasampang kaso laban sa kaniya.