Dalawang taong bumibili umano ng boto sa Batangas, tinutugis na ng pulisya

Mar Gabriel
Eagle News Service

Tinutugis ngayon ng Batangas City Police ang dalawang suspek na umano’y namimili ng boto para sa isang kandidato.

Sa report ng pulisya, bandang alas nuebe trenta ng umaga ng Lunes, ika-14 ng Mayo, nang ireklamo ng isang botante sa kanilang istasyon ang mga suspek na kinilalang sina Janzel Serrano Almarez at Flordeliza Plata Antenor.

Ayon sa biktima, nag-aalok ng P400  ang dalawang suspek sa mga botante sa Batangas National High School na sakop ng Brgy 19 kapalit ng pagboto sa mga kandidato na nakalista sa sample ballot na ipinamimigay ng mga ito.

Nang respondehan ng mga pulis, agad na nakatakas ang dalawang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa sec 261 ng Omnibus Election Code Batas Pambansa bilang 881.