Dalawang magkahiwalay na ambush ng NPA sa pulis, nangyari sa Surigao del Norte

Photo courtesy of Surigao del Norte Provincial Police Office

SURIGAO CITY, Surigao del Norte (Eagle News) – Dalawang magkahiwalay na insidente ng ambush ang nangyari sa Surigao del Norte nito lamang Linggo, Disyembre 10.

Papunta sana ang tropa ng Claver Municipal Police Station sa Surigao City para ipaayos ang kanilang service vehicle ng paputukan ang kanilang patrol car. Tinatayang nasa sampung kalalakihan ang nagpaputok sa kanila.

Ang pangalawang insidente ay nangyari naman sa Brgy. Mabuhay, Sison, Surigao del Norte, kung saan nasa 15 kalalakihan ang namataan ng mga miyembro ng PNP Provincial Mobile Force sa isang bundok.

Huminto ang mga miyembro ng otoridad para tiyakin ang sitwasyon kung ito ba ay mga miyembro ng NPA, dito na nagkaroon ng putukan sa dalawang grupo na tumagal din ng ilang minuto.

Wala namang nasaktan sa panig ng gobyerno.

Samantala, patuloy naman ang isinagawang clearing operation ng PNP Mobile Force para matukoy ang kinalalagyan ng mga NPA.

(Eagle News Correspondent, Jabes A. Juanite)