250 residente sa Basilan nakinabang sa joint medical mission ng militar, NGO

Photo Courtesy : PIA Basilan

ZAMBOANGA CITY, Philippines (Eagle News) — Nakinabang ang mahigit sa 250 residente ng Barangay Bulan-Bulan bayan ng Lantawan sa lalawigan ng Basilan sa isinagawang joint medical mission ng Fourth Special Forces Battalion ng Philippine Army at Kayang-Kayang Missions International.

Namigay ng libreng medical check-ups, gamot, tuli ang mga volunteer doctor at nurses at gupit kasama ang mga elemento ng 4th SF Battalion sa pangunguna ni Lt. Col Achillez Dela Cruz at Isabelle Grace Villegas-Team leader ng Kayang-kayang Missions International mula sa Iloilo. Idinaos ang aktibidad sa Bulan-Bulan Elementary school.

Namahagi rin ng ilang vegetable seedlings sa mga guro at estudyante.  Nagkaroon din ng ilang oras na kasiyahan at mga palaro para sa mga bata.

Napili ng grupo ang naturang lugar na hatidan ng libreng serbisyo dahil ilan lamang ang mga lugar na ito sa mga mahirap marating dahil na rin sa mapanganib na sitwasyon bunga ng malimit na mga paglalabanan sa pagitan ng militar at mga rebeldeng grupo.

Ayon pa kay Dela Cruz, sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad magkakaroon ng kapalagayang loob ang mga kabataan sa mga tauhan ng militar na maipaunawa sa kanilang ang mga sundalo ay nakahandang magbuwis ng buhay alang-alang sa kapayapaan.

(Eagle News Jun Cronico)