Valenzuela Mayor Gatchalian, inabswelto ng CA sa kaso ng Kentex fire

(Eagle News) — Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang dismissal order na inilabas ng Office of the Ombudsman laban kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian dahil sa kasong may kinalaman sa sunog sa factory sa lungsod na ikinasawi ng 74 empleyado.

Nahatulang guilty si Gatchalian sa kasong “grave misconduct” at “gross neglect of duty” dahil pinayagan umano niya na magpatuloy sa operasyon ang Kentex Manufacturing Corp. na pabrika ng tsinelas, kahit na wala itong fire safety permits.

Dahil sa hatol na ito ng Ombudsman, pinatawan siya ng pagkakasibak sa puwesto, pagkakatanggal ng mga benepisyo at perpetual disqualification sa paglilingkod sa publiko.

Gayunman, umapela si Gatchalian sa CA at iginiit na trabaho ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagbibigay ng fire safety permit, na isang rekisito para sa pagkakaroon ng business permit.

Dito ibinase ng CA ang kanilang desisyon na nagsasabing hindi nagpabaya sa kaniyang tungkulin si Gatchalian.

https://youtu.be/wBsCrgLcuXk