Tricycle driver na sumuko na sa Oplan Tokhang, patay nang pagbabarilin

MUNTINLUPA, Metro Manila (Eagle News) – Patay ang isang tricycle driver na sumuko na sa Oplan Tokhang matapos pagbabarilin sa Muntinlupa nitong Biyernes ng umaga.

Ayon sa pulisya, si Ritchel Acon-Acon, 39, ay nasa tapat ng kanyang bahay sa ICC Compound West Service Road, Brgy. Cupang, nang pagbabarilin siya ng mga suspek pasado alas 12 ng hatinggabi.

“Naka-motor, single, dalawa sila,” pahayag ni Janette, asawa ng biktima.

May takip din sa mukha ang mga suspek, ayon sa ilang mga saksi.

Nagtamo si Acon-Acon ng mga tama ng bala sa dibdib mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Ayon kay Janette, walang kaaway ang kaniyang “mabait” na asawa.

Subalit aminado siya na dating gumagamit ito ng iligal na droga.

“Pero, tumigil na po siya… ,” dagdag pa niya.

Pinatotoo ito ni Rowan Sulla, ang barangay team leader.

Aniya, sumuko si Acon-Acon sa Oplan Tokhang nitong taon lang.

(Paulo Macahilas – Eagle News Service)