Total ban sa paputok ipatutupad sa ilang lungsod sa Metro Manila

METRO MANILA, Philippines (Eagle News) — Inilabas ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang listahan ng mga lugar sa Metro Manila kung saan bawal gumamit ng paputok.

Ito ay ang mga siyudad ng Pasig, Makati, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig at Pateros.

Bawal din magpaputok sa Marikina at San Juan, pero may itinalaga silang community fireworks display zone kung saan maaaring manuod ng fireworks display ang mga tao.

Sa ibang lugar naman sa Metro Manila gaya ng Quezon City at Maynila, maaaring gumamit ng paputok, pero limitado lamang sa mga itinalagang firecracker zone.

Samantala tinukoy naman ng Philippine National Police ang pitong ipinagbabawal na paputok tulad ng picolo, super lolo, whistle bomb, goodbye earth, atomic big triangulo, judas belt at watusi. Sinumang mahuhuling gumagamit nito ay aarestuhin.

Batay sa pinakahuling tala ng PNP nasa anim na sibilyan na ang kanilang nahuling nagbebenta ng iligal na paputok.