Task Group na nag-iimbestiga sa PNP helicopter crash, nag-ocular inspection sa crash site sa Laguna

https://youtu.be/sGYFfVRJb-k

 

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

(Eagle News) — Pinangunahan ni Deputy Chief for Operations Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na tumatayong commander ng Special Investigation Task Group (SITG) “Bell 429” ang ocular inspection sa crash site sa Laperal Compound sa San Pedro Laguna.

Kasama nya si Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) director Police Major Gen. Elmo Francis Sarona mga imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at Aviation Security Group.

Aminado si Eleazar na bago sa kanila ang pagsasagawa ng air crash investigation kaya kasama rin nila sa pag-iimbestiga ang mga eksperto mula sa Philippine Air Force at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)

Ayon kay Eleazar, layon ng imbestigasyon na matukoy ang totoong nangyari at mga posibleng lapses na humantong sa pagbagsak ng helicopter.

Makatutulong daw ito sa pag-repaso na gagawin nila sa kanilang mga polisiya at guidelines sa paggamit ng kanilang mga air assets upang hindi na maulit ang nangyaring aksidente.

Base sa inisyal na impormasyon na nakalap ng SITG, wala umanong black box ang Bell 429 kaya ibabase daw nila ang imbestigasyon sa mga makukuhang ebidensya sa site gayundin ang statement ng mga saksi at ng mismong mga sakay ng helicopter.

Bandang 3:30 ng hapon nang dumating ang SITG sa St. Luke’s Medical Center para kamustahin ang lagay ni Philippine National Police chief Gen. Archie Gamboa at lima pang opisyal na sakay ng nadisgrasyang helicopter.

Kasamang naka-confine sa ospital si PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, at aide ni Gamboa na si Police Capt. Kevent Gayramara at ang dalawang piloto ng helicopter. Hindi naman daw minamadali ang imbestigasyon kaya maghihintay daw sila kung kailan maari nang makausap ang dalawang piloto at pasahero ng helicopter.

Samantala, bandang alas-4 ng hapon, na-discharge na sa ospital si Gen. Gamboa at ang aide na si Capt. Gayramara.

Bagaman nakabenda pa ang kanang kamay ni Gamboa, tiniyak ng heneral na babalik na siya sa trabaho sa Lunes.

Bukas naman lalabas sa ospital si Gen. Banac.  Wala pa namang petsa kung kelan madi-discharge ang piloto at co-pilot nito.

Ayon naman kay Major Gen. Benigno Durana, nagpapakita na ng facial response si Major Gen. Mariel Magaway habang nananatili naman sa kritikal na kondisyon si Major Gen. Jovic Ramos pero itinigil na umano ang pagsasalin sa kanya ng dugo.