Target na zero waste sa bansa, matatamo kung magtutulungan ang lahat – environmental groups

(Eagle News) — Malaki umano ang tsansa na matamo ng Pilipinas ang target na zero waste.

Iyan ay kung kikilos ang local government units, mga korporasyon at maging ang  pamahalaan sa pagpapatupad ng total ban sa single-use plastic sa lahat ng lungsod sa Pilipinas.

Sa isinagawang “Zero Waste Cities Forum” ng Global Alliance For Incinerator Alternatives (GAIA) at Mother Earth Foundation ay hinikayat ang mga opisyal ng iba’t ibang local government unit sa bansa na ipagbawal ang single-use plastic upang unti-unting matamo ang zero waste sa kanilang mga lungsod.

Ayon kay Froilan Grate, Executive Director ng GAIA, marami nang lungsod ang nagbabawal sa paggamit ng plastik subalit kung patuloy naman ang mga korporasyon sa paggamit nito sa kanilang mga proyekto at walang suporta ng mga polisiya mula sa national government ay mahihirapang matanggal ang plastik na sanhi ng iba’t ibang problema.

Pondo

Aminado rin ito na malaking pondo ang kakailanganin para sa ganitong proyekto.

Pero hindi naman aniya maaaring gamiting dahilan ng mga korporasyon ang pagtigil sa paggawa at paggamit ng plastik para mawalan ng trabaho ang kanilang mga empleyado.

Giit nito may ibang mga alternatibong produkto maaaring gawin ang mga empleyadao sa halip na plastik ang gawin.

Isa naman sa mga lungsod na nagbabawal sa paggamit ng plastik ay ang San Carlos City sa Negros Occidental.

Ayon kay Marietta Lomocso, City Environmental Management Officer, naging viral pa nga sa social media ang paggamit ng dahon sa halip na plastik sa binibiling isda sa isang palengke sa kanilang bayan.

Nagtutulungan na rin anila sila ng mga kalapit na lugar upang maiwasan ang paggamit ng plastic.

Zero waste cities

Hindi lang daw sa Pilipinas kundi maging sa European Union ay may mga lugar ang nagnanais na maging zero waste cities.

Sinabi ni Delphine Levi Alvares na siyang European coordinator ng Zero Waste Europe na may mga polisiya na silang ipinatutupad ukol sa reduction, reuse at recycling.

Samantala, malaki umano ang maitutulong sa rehabilitasyon ng Manila Bay ang pagkakaroon ng zero waste cities. (Eden Suarez)

https://youtu.be/PO-4mUAQxy0