Sen. Trillanes, nanindigang nakasunod sa requirements para makakuha ng amnesty

(Eagle News) — Naninindigan naman si Senador Antonio Trillanes IV na nagawa umano nito ang lahat ng requirements para makakuha ang amnesty mula sa pag-aaklas nito noon laban sa pamahalaan ng bansa.

Sa kaniyang sagot sa komento ng prosecutor sa pagdinig na ginagawa ng Makati Regional Trial Court Branch 150, muling iginiit ng mambabatas na maliwanag ang isinasaad ng certification of amnesty na kaniyang hawak.

Pinagtibay aniya ito ng Kongreso at Senado, base na rin sa Concurrent Resolution No. 4 na may petsang December 13 at 14, 2010 kaya naman ipinag-utos noon ng korte na ibasura ang kaniyang kinakaharap na kaso noong September 7, 2011.

Dahil dito, hiniling ng mambabatas na ipawalang bisa ang unang decision ni Judge Elmo Alameda noong Setyembre 25, 2018 na nag-uutos sa arrest warrant at hold departure order laban sa senador.

Hiling din ng mambabatas na mag-set ng hearing upang makapaglatag siya ng mga ebidensiya na susuporta sa kaniyang amnestiya.

Bagamat naniniwala ang justice department na matibay ang kanilang ebidensiya, gayunpaman ipinapaubaya na ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa korte ang pagbibigay ng bigat sa kanilang ebidensiya. (Eagle News Service Erwin Temperante)