Sen. Poe: Mga mambabatas na tatangging isapubliko ang kanilang SALN, maaaring kasuhan

(Eagle News) — Maaaring makasuhan ng paglabag sa batas ang mga kongresista kung sila ay tumanggi na isapubliko ang kanilang Statement of Assets Liabilities and Net worth (SALN).

Ayon kay Senador Grace Poe, nakasaad sa Article 11 Section 17 ng Saligang Batas na dapat ideklara ng bawat opisyal at empleyado ng gobyerno ang kanilang SALN.

Sakop nito ang Presidente, Bise Presidente, mga miyembro ng gabinete, kongreso hanggang sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines.

Ipinag-uutos rin ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na lahat ng naglilingkod sa gobyerno na gawing madali ang pagkuha ng dokumento at laging handa sa pagsusuri ng publiko.