Sasakyan ng road rage suspek na si Jojo Valerio, narecover ng PNP-HPG sa Quezon City


Ni Mar Gabriel

Eagle News Service

(Eagle News) — Narecover na Philippine National Police-Higway Patrol Group ang Toyota FJ Cruiser na pagmamay-ari ng road rage suspek na si Jojo Valerio na nagviral matapos manuntok ng motorista sa Angeles, Pampanga.

Ayon kay HPG director PCSupt. Roberto Fajardo, naharang ng Task Force Limbas ang sasakyan kaninang umaga sa Quirino Highway sa Novaliches habang minamaneho ng girlfriend ni Valerio.

Nang inspeksyunin nila ang OR/CR ng sasakyan, lumabas na hindi tugma ang kulay nito sa kanyang rehistro kaya dito na sila nagduda.

Ang dati kasing kulay nito na black and white ay kulay itim na lamang matapos na dikitan ng sticker ang mga kulay puting parte nito.

Ibnalik na rin ang orihinal na plaka ng sasakyan na AVA 8781.

Dahil dito, naka impound ngayon sa tanggapan ng HPG sa Kampo Crame ang sasakyan dahil sa unauthorized changed of color.

Kung nais daw nitong mabawi ang sasakyan ay kailangan nyang bayaran ang kanyang penalty sa Land Transportation Office at magpaclearance sa PNP-HPG.

Kailangan nya rin daw na humingi ng permission sa korte bago mairelease ang kanyang sasakyan.

Kahapon, nakapagpyansa na si Valerio sa kasong physical injury na isinampa sa kanya sa Pampanga habang nadismissed naman ang kasong usurpation of authority for using protocol plate.

Samantala, muli namang nagbabala ang HPG sa mga patuloy na gumagamit ng number 8 na plaka at iba pang commemorative plate na pagmumultahin sila ng limanglibong piso oras na sila ay mahuli.