SAP Bong Go, hinamon si Sen. Trillanes na lumabas na ng Senado

(Eagle News) — Tinawag ni Special Assistant to the President Secretary Christopher “Bong” Go na duwag si Senador Antonio Trillanes IV dahil sa patuloy nitong pagtatago sa Senado.

Hinamon din ni Secretary Go na lumabas na ng Senado si Trillanes dahil sinisiguro naman ng pamahalaan na hindi ito aarestuhin kung walang arrest warrant ang hukuman.

Ayon pa kay Go, handa niyang harapin ang imbestigasyon ng Senado na ikinasa ni Trillanes kaugnay ng alegasyon ng katiwalian dahil sa pagkakakuha ng pamilya ni Go sa mga kontrata sa gobyerno.

Inihayag ni Go na mayroon siyang delicadeza at kung mapapatunayan ni Trillanes na sangkot siya at ang kanyang pamilya sa katiwalian ay handa itong magbitiw sa tungkulin.