Saklaw ng war on drugs campaign, dapat palawakin – Sen. Pimentel

(Eagle News) — Hinimok ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III ang gobyerno na palawakin ang saklaw ng kampaniya nito kontra iligal na droga.

Paliwanag ni Pimentel, panahon na para puntiryahin ang mga drug lord gayundin ang mga galamay nito na nasa likod ng paggawa at pagpupuslit ng droga sa bansa.

Bunsod nito, dapat nang pagsabay-sabayin ang pagtugis sa mga drug lord na itinuturing na malaking target kasama ang mga small time pushers at maging ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Dagdag pa ni Pimentel, marapat na maging layunin ngayon ng gobyerno na maging drug free na ang bansa at mangyayari lang ito kung palalakasin pa ng pamahalaan ang kanilang hakbang para masupil na ang iligal na droga.