Residential area sa Makati City nasunog; 400 pamilya apektado

(Eagle News) — Nilamon ng apoy ang isang residential area sa Barangay Guadalupe Viejo, Makati City kaninang madaling araw.

Batay sa paunang impormasyon mula sa mga otoridad, naganap ang pagliliyab sa loob ng Laperal compound, partikular sa Bernardino Street.

Umabot na sa task force bravo ang sunog kaya madami sa mga residente ang agad na nagsilikas.

Sumiklab ang sunog kaninang ala-1:08 ng hatinggabi at ngayon ay nasa fire under control na ng mga otoridad.

Aabot sa 400 pamilya o 1,000 na mga residente ang naapektuhan ng sunog at wala ngayong matutuluyan.

Habang nagaganap ang sunog ay may mga pagsabog na naririnig mula sa mga bahay, dahilan upang agad na lamunin ng apoy ang mga kabahayan.

Mabilis din ang naging pagkalat ng apoy dahil pawang gawa sa mga light materials ang dikit-dikit na bahay sa lugar.

Iniimbestigahan pa rin sa ngayon ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog sa lugar. (Eagle News Service Earlo Bringas)