Rehabilitasyon sa Manila Bay, maaari pang umabot ng mahigit isang taon – DENR

(Eagle News) — Bagamat target ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tapusin ang Manila Bay Rehabilitation sa loob ng anim na buwan, maaari pa itong umabot ng isang taon.

Sa panayam ng Radyo Agila, sinabi ni DENR Undersecretary Jonas Leones na hindi lang kasi Manila Bay ang lilinisin nila kundi pati na rin ang mga main tributaries na nakakonekta sa Manila Bay gaya ng Pasig River at Laguna de Bay.

Samantala, habang hinahanapan pa ng lokasyon ang mga informal settler na naninirahan sa paligid ng karagatan, tututukan muna ng ahensya ang malalaking establisyimento na direktang nagtatapon ng kanilang mga basura sa Manila Bay.

Positibo si Leones na sa loob ng isang taon ay makikita na ang malaking pagbabago sa look ng Maynila.

“We are very optimistic na within a year time ay medyo meron nang magiging improvement doon sa
water quality ng Manila Bay, kasi medyo maaaddress na natin yung source ng pollution na napupunta dyan,” ayon kay Leones.