Recruitment agency, inireklamo dahil sa human trafficking

(Eagle News) – Isang babae ang nagpasaklolo sa Department of Labor and Employment upang ireklamo ng human trafficking ang kaniyang recruitment agency na Joseline International Manpower Corporation.

Kuwento ng biktima na si Genie, pinangakuan sila ng trabaho sa Hong Kong bilang isang domestic helper pero hindi ito nangyari dahil sa halip na asikasuhin ang kanilang papeles ikinulong sila sa isang apartment, kinumpiska ang kanilang mga pasaporte at hindi pinapayagang gumamit ng cellular phone.

Ayon kay Labor USec. Jacinto Paras malaki ang paglabag ng naturang recruitment agency.

Noong Nobyembre, sa ginawang operasyon ng National Bureau of Investigation kaugnay ng inihaing reklamo sa Department of Justice ng ahensya ay na siyamnapu-katao ang nailigtas.

Sa nangyaring pag-aresto ay ipinagmamalaki umano ng may-ari ng man power agency na may kapit itong fiscal kaya malakas ang loob na gumawa nang iligal.

Kaugnay nito, sinabi ng Presidential Anti-Corruption Commission, isang prosecutor ang iniimbestigahan nila na sinasabing sangkot sa nasabing human trafficking.

Kung mapapatunayan na kasangkot sa iligal na gawain ang hindi pinangalanang prosecutor, sasampahan nila ito ng kasong administratibo at kriminal.

Pag-aaralan naman ng DOJ kung pagsasamahin na lamang ang reklamo ng NBI at ng bagong complainant sa recruitment agency na inirereklamo ng human trafficking. (Eagle News Service Erwin Temperante)