Pulisya, walang nakikita sa ngayon na indikasyon na dinukot si Ica Policarpio

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Walang nakikita sa ngayon ang pulisya na anumang indikasyon na dinukot ang 17 anyos na si Ica Policarpio.

Pero ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief police Director Oscar Albayalde, hindi pa nila tuluyang isinasantabi ang posibilidad ng kidnapping sa kasong ito dahil patuloy pa anila ang kanilang imbestigasyon.

Ayon kay Albayalde, sa ngayon ay isa sa tinitingnan nilang anggulo ay kung may taong nag-udyok sa dalagita kaya ito nawala ng tatlong araw.

Umapela naman ang pulisya sa publiko na hayaan munang makapagpahinga si Policarpio.

Kahit ang ama nito na si Atty. Rufino Policarpio ay nagsabing hindi muna nila ipinakukwento sa anak ang buong pangyayari ng pagkawala nito.

Ayon kay Atty. Policarpio, natagpuan ang kanyang anak ng mga opisyal ng Barangay 2-B sa San Pablo City, Laguna habang nakaupo at umiiyak sa isang karinderya doon.