Pitong umano’y kotong cops sa Navotas, arestado

(Eagle News) — Inaresto ng Philippine National Police-Counter-Intelligence Task Force  (PNP-CITF) ang pitong pulis Navotas dahil sa tangkang pangingikil sa isang drug suspect na kanilang inaresto.

Kinilala ang mga suspect na sina, PO1 Emmanuel Benedict Alojacin, PO1 Mark Ryan Mones, PO2 Jonnel Barocaboc, PO3 Kenneth Loria, PO1 Christian Paul Bondoc, PO1 Jack Rennert Etcubañas at PO2 Jessrald Pacinio na pawang mga nakatalaga sa Intelligence Unit ng Navotas Police.

Base sa reklamo ng magulang ng biktima inaresto ang kanilang anak ng mga lalaking nagpakilalang pulis noong Biyernes, Agosto 11, dahil umano sa illegal na droga.

Pero sa halip na kasuhan, tinawagan umano sila ng mga pulis para hinggian ng isangdaang libong piso kapalit ng kalayaan ng kanilang anak.

Sinampahan na ang mga suspek ng kasong kidnapping at slight physical injury dahil sa pambubugbog sa biktima.

Sa ngayon, aabot na sa 57 pulis ang na-aresto ng PNP-CITF dahil sa mga kaso ng katiwalian kung saan karamihan sa kanila ay mga PO1.

Repaso

Dahil dito, plano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na iparepaso ang training na pinagdadaanan ng mga bagong recruit na pulis.

Nais din ng dilg na maibalik na sa PNP ang pangangasiwa ng Philippine National Police Academy at National Training Institute upang matiyak ang disiplina ng mga bagong pulis.

(Eagle News Service, Mar Gabriel)