Patrolya sa West PHL Sea, dagdagan – U.S. solons

ISINULONG ng mga mambabatas sa Amerika ang dagdag na pagpapatrolya sa West Philippine Sea o South China Sea.

Sinabi ni Senator Bob Corker, chairman ng U.S. Senate Foreign Relations Committee, dapat mas maraming operasyon ang gawin ng Estados Unidos sa mismong reclamation ng China sa pinag-aagawang mga teritoryo.

Bagamat aminado ang mambabatas na sa kabila ng mga pagpapatrolya na ginawa ng U.S. at pag-deploy ng military assets sa rehiyon, hindi nito napigilan ang reclamation ng Beijing.

Nagbabala si Corker na karagdagang aksyon ang gagawin ng China sa West Philippine Sea sakaling hindi pumabor sa Beijing ang desisyon na nakatakdang ilabas ng permanent court of arbitration sa kasong inihain ng Pilipinas.

Ayon naman kay U.S. Deputy Secretary of State Antony Blinken, dinagdagan na nila ang pagpapatrolya sa disputed islands.

Kamakailan lang ay nagpadala ng mga eroplanong pandigma ang amerika sa Scarborough Shoal kung saan balak ng China na magtayo ng panibagong outpost.