Pangulong Duterte, sasalubungin ang pagdating ng Sinovac vaccines sa Linggo

 

Ni Vic Somintac
Eagle News Service

(Eagle News) — Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na personal na salubungin ang pagdating sa bansa ng Sinovac anti-covid 19 vaccines.

Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na nasa schedule ng Pangulo sa Linggo, Pebrero 28, ang pagsalubong sa pagdating ng 600,000 doses ng Sinovac mula sa China.

Ang sinovac anti-covid 19 vaccine na donasyon ng Chinese government sa Pilipinas ang kauna-unahang bakuna na darating sa bansa.

Ayon kay Roque, nais ni Pangulong Duterte na salubungin ang Sinovac bilang pagpapakita ng pagtanaw ng utang na loob sa China na itinuturing na isang kaibigan na handang tumulong sa panahon ng pandemya.

Inihayag ni Roque posibleng sa araw ng Lunes, March 1, ay agad na pasimulan ang pagbabakuna sa mga medical frontliners ng Philippine General Hospital (PGH) na nagpahayag ng kahandaan na magpabakuna sa Sinovac sa kabila ng pahayag ng Food and Drug administration (FDA) na hindi ito iniri-rekomenda na gamitin ng mga medical frontliners dahil sa naitalang 50 percent efficacy rate sa kanilang hanay.

(Eagle News Service)