https://www.youtube.com/watch?v=qjPs8gyAWAQ
(Eagle News) – Isinasapinal na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na kanyang sisibakin sa pwesto dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pastillas scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)
Sinabi ito ng Pangulo sa kaniyang talumpati sa panunumpa ng mga bagong talagang opisyal ng gobyerno sa Malacanang Palace.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang Pangulo dahil ilan aniya sa mga opisyal na nasa kaniyang listahan ay kaniyang mga kasamahan sa fraternity mula sa San Beda University.
“I think I have to complete the list of officials that I’m going to fire, to dismiss from the BID, sa Bureau of Immigration,” ayon sa kanya.
“Ayaw ko kasi yung iba kilala ko. Kaya lang yung iba ko mga brod ko. Iyong iba were with me in ’88 when I first ran for the Mayorship, that was ’88, ’98,” dagdag pa niya.
February 20 nang ipag-utos ng Pangulo na sibakin sa pwesto ang nasa 19 na tauhan ng Burea of Immigration matapos makatanggap ng mga ulat at makitaan ng probable cause na alisin ang mga ito sa ahensya sahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga iligal na gawain.
Samantala, tiwala naman ang pangulo na malinis at di sangkot sa anumang katiwalian ang kaniyang mga kasalukuyang miyembro ng gabinete.
“Etong mga cabinet members, they’re all clean except yung mga nawala na. ‘yun na ‘yun,” aniya.