Pagkakaroon ng Philippine Space Agency, ipinanawagan ng DOST sa Kongreso

(Eagle News) —  Nananawagan si Science and Technology Secretary Fortunato Dela Peña na ipasa na bago pa ang adjournment ng Kongreso ang nakabinbing panukalang batas na nagtatatag ng Philippine Space Agency.

Ayon kay Department of Science and Technology, mahigit  50 taon nang may interes ang pamahalaan sa larangan ng space science and technology.

Malayo na rin aniya ang narating ng bansa sa space development mula nang ilunsad ang unang microsatellite nito na Diwata 1.

Subalit magpahanggang ngayon, aniya, isa ang Pilipinas sa apat na bansa sa Southeast Asia na kinabibilangan ng Brunei, Cambodia at Laos ang wala pang space agency.

Bagamat aabot na aniya sa mahigit P7 bilyon ang nagastos ng gobyerno sa research at paglulunsad ng mga micro-satellite ng bansa, at nagagamit na ngayon sa geo-mapping ng mga hazardous area sa bansa, remote sensing at pagmonitor ng sea level ang mga nailunsad na satellite,  kinakailangan pa rin ng isang ahensyang tuwirang mangangasiwa sa space technology.

Handa naman daw na tanggapin ng DOST kung anumang bersyon ng bill ang mapapagtibay.

Sa bersyon  ng Kamara, nakalagay na ang DOST ang mangangasiwa ng PSA pero sa nakahain sa Senado, nasa ilalim ng pangangasiwa ng Office of the President ang ahensya.

Sakali man na maging ganap na batas, mas malayo pa raw ang mararating ng bansa sa space technology dahil sa mas matututukan nito ang pagtuklas ng mga magiging eksperto sa astronomy at aerospace industry.

Mahigit dalawampu’t apat na bilyong piso ang mailalaan na pondo para sa operasyon ng space agency, aniya. (Eagle News Service Jerold Tagbo)