P2M halaga ng shabu nasabat sa Pasig; 7 katao arestado

(Eagle News) — Sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Drug Enforcement Unit ang isang bahay na ginagawang drug den sa Rodriguez compound sa Tramo Rosario, Pasig City, Martes ng gabi, Nobyembre 13.

Pagpasok ng bahay ng operatiba inabutan ang katakut-takot na bulto ng shabu.

Agad naaresto ang may-ari ng drug den na si Deogracias Banares Jr., alyas Junior at ang pito pang naabutan sa bahay na sina Ronald B. Francisco, Victorio F. Mediario, Joel A. Maglasang, Jade S. Gaut, Jebrian P. Balasabas at Henribel J. Alib.

Matagal nang minonitor ng NCRPO-RDEU ang target ng operasyon na si alyas Junior dahil sa diumano’y talamak na pagtutulak nito ng shabu.

Taong 2017 pa raw ay nasa monitoring list na ng RDEU si alyas Junior pero tuloy-tuloy ang ginagawa nitong pagtutulak at pagbebenta ng shabu hindi lamang sa Pasig maging sa mga kalapit pang lugar.

Nasabat din sa mga suspek ang mga sumusunod: 22 na plastic sachet ng shabu na nasa 300 grams na may nagkakahalaga ng Php 2,040,000.00. Isang bundle ng one thousand peso bills na nagkakahalaga ng Php 60,000.00 para sa 25 gramo ng shabu na ibinenta ng suspek sa undercover agent poseur buyer at assorted drug paraphernalia.

Kakasuhan naman ng paglabag Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. (Eagle News Earlo Bringas)