Notorious holdaper, arestado sa Caloocan City

Ni Earlo Bringas
Eagle News Service

CALOOCAN CITY, Metro Manila ) – Arestado ang isang notorious na holdaper sa Bagong Barrio, Caloocan City, Miyerkules ng gabi, Enero 24.

Kinilala ang suspek na si Marvin Gamboa.

Ayon kay Caloocan Chief of Police Jemar Modequillo, nagreklamo sa kanila ang isa sa nabiktimang driver ng mga ito, kaya kaagad silang nagkasa ng isang follow-up operation para sa ikahuhuli ng suspek.

“Eh kilang-kilala kasi yong mga tao na ‘yan kung saan medyo, ano talaga sa hold-up. Ang nakuha diyan yong ninakaw nilang susi pero yong pera hindi na,”¬†pahayag ni PSSupt. Jemar Modequillo, Chief of Police.

Ayon sa pulis, sangkot ang suspect sa panghoholdap ng dalawang taxi driver nitong nakaraang araw.

Sa una umanong naging biktima nito ay nakuha ng suspek ang kinita nitong pera pati na rin ang susi ng taxi.

Sa ikalawa naman nitong naging biktima ay nagresulta naman sa pananaksak sa driver, ayon sa mga otoridad.

Aminado naman ang suspek sa ginagawa nilang pambibiktima ng mga taxi driver.

Anila, pangangailangan lang daw kaya nila nagawa ang pangho-hold up.

“Niyaya pa kasi ako ng kasama ko, yon napasama na po ako.Tinulungan ko lang din po siya, kaya sumama po ako”, pahayag ng suspek.

May paalala naman ang mga otoridad sa mga taxi driver na bumibiyahe ng gabi hanggang madaling araw.

“Unang-una ay yong sinasabi na nga natin na mag-ingat naman sila. Ngayon kung medyo alanganin sila dapat lumapit na sila sa pinakamalapit na police para ma-assist-tihan na sila agad,” pahayag ni Modequillo.

Samantala, nakatakda namang makasuhan ng robbery si Gamboa.

Patuloy namang tinutugis pa ng Caloocan City Police ang mga kasamahan diumano niya.