Nasa 500 na pamilya, nasunugan malapit sa Malacañang; Pangulong Duterte, personal na nag-abot ng tulong

(Eagle News) — Nasunugan ang tinatayang limandaang pamilya na nakatira sa Sicat Street na nasa humigit kumulang isang daan at limampung metro lamang ang layo sa Palasyo ng Malacañang.

Ayon kay Barangay Chairman Jerry Bolante ng Barangay 645 San Miguel, Maynila nagsimula ang sunog sa bahay ng isang nagngangalang Oriel  “Oying” Degala.

Napabayaang kandila

Napabayaang kandila naman ang itinuturong dahilan ng nangyaring sunog.

Mabilis naman ang naging pagkalat ng apoy sa mga katabing bahay dahil gawa ang mga ito sa light materials, dahilan para itaas ang sunog sa Task Force Bravo pasado alas-5 ng umaga kahapon, Agosto 16.

Tinatayang nasa mahigit P2 milyon na halaga ng ari-arian ang naabo sa nangyaring sunog.

Wala naman naiulat na namatay, ngunit dalawa katao ang nasugatan na agad namang itinakbo sa pinakamalapit na ospital.

Tulong mula sa Pangulo

Bago naman natapos ang araw ay bumisita ang Pangulong Rodrigo Duterte upang personal na magbigay ng tulong at makiramay sa mga nasunugan.

Pasado alas-siyete ng gabi (7:00 PM) nang magtungo ang Pangulo sa Regal Parish and National Shrine of Saint Michael and the Archangels (San Miguel Church) malapit sa Malacañang kung saan pansamantalang nanunuluyan ang mga residente na naapek­tuhan ng nangyaring na sunog.

Nag-abot naman ng paunang tulong na food package ang Pangulo at nangako din na bibigyan ang bawat pamilya ng tig-5,000 pesos maliban pa sa pang araw-araw na pagkain.

“Akin lang sa opisina ko ‘to…. DSWD will provide food packs with the contents… rice six kilos, three cans of corn beef, three cans of meatloaf, six sachets of 3-in-1 coffee additional blankets, bottled water, pati… banig… Ako small-time naman ako tanggapin lang din ninyo puwede na P5,000 per family?” paghahayag ni Pangulong Duterte.

Labis naman ang naging tuwa at pagpapasalamat ng mga residente sa iniabot na tulong ng Pangulo.

https://youtu.be/bfTYib-OKnE