Nagpanggap na taxi driver na sangkot sa carnapping, roberry, at rape, arestado

(Eagle News) — Naaresto na ng kapulisan ang suspek na diumano’y nangangarnap, nagpapanggap na taxi driver, at pinagnanakawan ang kaniyang mga babaeng pasahero habang ginahasa pa nito ang isa sa mga biktima.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Ricky Ramos na anila’y nangangarnap ng taxi units at kadalasang binibiktima ang mga call center agent sa ilang mga lugar sa Quezon City, Pasay, at Makati.

Napag-alamang positibong tinukoy ng mga biktima ang naturang suspek dahilan ng pagkakahuli nito.

Matatandaang itinala ng isa sa mga biktima ang plaka ng ginamit na taxi unit ng suspek at isinumbong sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon naman sa LTFRB, una nang na-carnap ang naturang unit, Marso 18, bago pa nangyari ang krimen, Marso 19.

Dati nang nasangkot si Ramos sa isang robbery holdup incident kung saan mayroon na itong standing warrant of arrest.