“Murang Kuryente” act aprubado na sa House panel

(Eagle News) — Lusot na sa committee level ang “Murang Kuryente” act na magbibigay ng 57 sentimos kada kilowatt hour na bawas sa electricity rate.

Ito ay matapos aprubahan ng House Committee on Energy na pinamumunuan ni Marinduque Representative Lord Allan Jay Velasco ang consolidated bills na nagsusulong ng subsidy mula sa Malampaya Fund para sa utang at maging sa contract cost ng elektrisidad ng National Power Corporation.

Ayon kay 1-Care Partylist Representative Carlos Roman Uy-Barreta, Vice-Chairman ng komite, sakaling tuluyang maisabatas ang “Murang Kuryente” act ay magreresulta ito ng singkuwenta’y siete (57) sentimos na kaltas kada kilowatt-hour sa singil sa kuryente.

Energy sector, kinonsulta

Kinumpirma ni Uy-Barreta na nagkaroon ng konsultasyon sa energy sector bago ang pag-apruba sa nasabing panukala.

Umaasa ang komite na maipapasa sa second, third at final reading ang “Murang Kuryente” act bago mag-adjourn ang sesyon ng kongreso sa Pebrero 6. (Eagle News Service Eden Santos)