MRT maagang nagka-aberya dahil sa power supply failure

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Maagang nakaranas ng aberya ang mga pasahero ng MRT-3, pasado alas 5:00 ng umaga ngayong Lunes.

Dahil dito, maaga pa lang ay wala pang na-dispatch na mga tren.

Ito ay dahil sa power supply failure na naranasan sa bahagi ng North Avenue Station hanggang Kamuning.

Ang nagkapilipit na kable ang dahilan ng mahigit isang oras na pagka-delay ng pagsisimula ng biyahe ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) kaninang umaga.

Sa abiso ng MRT, nagka-salabat ang mga Overhead Catenary System o OCS wires ng MRT.

Kinailangan itong ayusin muna ng mga tauhan ng MRT bago umpisahan ang pagbiyahe ng mga tren.

Dahil sa nasabing aberya, sa halip na pasado alas 5:00 ng umaga ang unang biyahe ng mga tren ay alas 6:50 na ng umaga naumpisahan ang pag-deploy ng mga tren.

Napilitan tuloy ang mga pasahero na bumaba at mag-abang na lang ng masasakyang bus sa EDSA.

https://youtu.be/jXwO2rfBhuk