Motorcycle riders at tricycle drivers, nasampulan sa MMDA clearing ops sa Bago Bantay, QC

(Eagle News) — Sinuyod ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga kalye sa Barangay Sto. Cristo, Bago Bantay, Quezon City, kamakailan.

Sa 45 minutong clearing operations, nasampulan ng MMDA ang limang motorsiklo dahil sa mga driver nitong walang suot na helmet.

Dalawang tricycle din ang natiketan dahil sa pagbababa at pagpapasakay ng mga pasahero sa iligal na lugar.

Giit naman ni MMDA chief of operations Bong Nebriha, ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho upang matulungan din ang barangay sa pagsasaayos ng trapiko, lalo na sa may kahabaan ng Sto. Cristo Elementary School kung saan maraming mga batang estudyante.

Aniya, karamihan sa mga motorista ang nagka-counterflow at lumalabag sa kabila ng mga paalala.

Illegal vendors 

Bukod dito, balak din sanang sitahin ng MMDA ang mga naglipanang vendor ngunit hindi pa man nakaka pwesto ang mga tauhan ng MMDA ay agad na nagkalasan ang mga ito.

Ayon kay Antonio Miranda, principal ng Sto.  Cristo Elementary School, mahigpit din kasing ipinagbabawal ng Department of Education (DepEd)  ang pagtitinda malapit sa mga eskwelahan upang huwag nang matuksong bumili ang mga bata ng street food.

Aniya, kinausap naman nila ang mga naturang vendor ng maayos ngunit pasaway pa rin talaga ang mga ito.

Ipinaliwanag din ni Miranda na dapat 50 meters ang layo ng mga vendor sa mga eskwelehan sang-ayon sa department order ng DepEd.

Dagdag pa ni Miranda,  pag-iingat na rin ito para sa kaligtasan at kalusugan ng mga bata sa naturang paaralan.

Delikado rin kasi ang mga street food lalo na at wala itong sanitation permits.

(Eagle News Service Judith Llamera)