Motorcycle rider sugatan matapos ma-hit and run sa Tondo, Maynila

MAYNILA, Philippines (Eagle News) –Sugatan ang isang motorcycle rider matapos ma-hit and run ng hindi natukoy na sasakyan sa Tondo, Maynila madaling araw nitong Miyerkules, Agosto 23.

Kinilala ang biktimang rider na si Roland Villanueva, 29 taong gulang, na nagtamo ng sugat sa may kanang bahagi ng mata at galos sa binti nang sumemplang ito matapos mabangga bandang ala una ng madaling araw sa madilim na bahagi ng Delpan Bridge.

Umabot pa ng 30 minuto bago narespondehan ng ambulansya ang biktima sapagkat mga taga-media pa ang tumawag sa Red Cross.

Ayon kay Villanueva, pauwi na siya sa Navotas nang mabangga. Agad din namang umalis ang sasakyan na nakabunggo at iniwan ang biktima sa kalsada. Wala namang makapagsabi ng plaka ng sasakyan.

Nang tanungin ng awtoridad, hindi na rin aniya maalala ni Villanueva kung ano ang nangyari sa kaniya at kung anong klase ng sasakyan ang nakabangga sa kaniya.

(Eagle News Service Paulo Macahilas)

https://youtu.be/s__SOE7GOF4