MMDA, nakiusap sa mga motorista na sumunod sa ipinatutupad na yellow lane sa QC Circle

(Eagle News) — Matagal nang ipinatutupad sa bansa ang “stay on your lane policy.”

Ayon kay Col. Bong Nebrija, pinuno ng Metropolitan Manila Development Authority Special Operations Task Force, ang nasabing polisiya ay ang pinaka-simple at pinaka-ligtas na pagbaybay sa kalsada at itinuturo rin ito sa mga kumukuha ng driver’s license.

Nabigyang-diin lamang ito dahil sa ginagawang Metro Railway Transit-7 station sa may Elliptical, North Avenue dahil napansin umano nilang nagpapa-ekis-ekis ang mga sasakyan na nagiging sanhi ng matinding trapiko sa nasabing lugar.

Binatikos rin ni Nebrija ang EEI Corporation na may hawak ng MRT-7 construction dahil hindi naglagay man lang ng public advisory at kulang din sa mga signage ang ginawa nilang pagsasara at pagsaklaw ng mga kalsada kaya aminado siyang nabigla rin dito ang MMDA.

Ito ang dahilan kung bakit nagtalaga sila ng solid yellow lanes upang maiwasan ang left at right swerving.

Nakiusap rin si Nebrija sa mga motorista na huwag naman gawing karerahan ang kalsada.