MMDA, ibebenta na ang mga naka-impound na sasakyan kapag hindi natubos ng mga may-ari

(Eagle News) — Inabisuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga may-ari ng mga sasakyang nasa kanilang impounding centers na bawiin na ang mga ito hanggang Agosto 29.

Sinabi ni MMDA Operations Supervisor Bong Nebrija, kailangang magbayad muna ng multa ang mga may-ari at kapag bigong matubos ang mga nasabing sasakyan ay kanila na itong ipapa-auction.

Kung ang nahuling behikulo ay nag-ooperate nang walang franchise, ang may-ari ay magbabayad ng anim na libong piso (Php 6,000) at daily rate na walumpung piso (Php 80.00) depende sa kung ilang araw nanatili ito sa impounding center.

Ang mga interesado namang bidder ay maaaring magbigay ng letter of intent sa ahensya hanggang August 9 at magbayad ng non-refundable fee na isang libong piso (Php 1,000).

Nasa mahigit isangdaan at limampung sasakyan ang naka- tengga pa rin sa impounding centers ng MMDA mula pa noong 2007.