Mga nasita sa anti-tambay campaign sa Metro Manila, mahigit 230k na

(Eagle News) — Pumalo na sa mahigit 230,000 ang bilang ng mga nasita sa pagpapatupad ng pulisya ng anti-tambay campaign sa kalakhang Maynila.

Batay sa accomplishment report ng National Capital Region Police Office (NCRPO), 231,516 na ang kabuuang bilang ng mga lumabag sa iba’t ibang local ordinances mula Hunyo 13, 2018 hanggang alas-singko ng umaga ng Setyembre 9, 2018.

Pinakamarami ang mga lumabag sa smoking ban, na nasa 80,677 at pumangalawa naman sa listahan ang mga tambay na half-naked o walang damit na pang-itaas, na umabot sa 20,018.

Nasa 19,259 naman ang mga lumabag sa curfew hours samantalang may kabuuang 13,469 ang mga sinita dahil sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar.

Ayon sa NCRPO, ang iba pang lumabag sa city ordinances na hindi nabanggit ay nasa 98,093.

Kung per district naman, pinakamaraming nahuli ang Quezon City police sa listahan, pangalawa ang eastern police; pangatlo ang southern police; pang-apat ang Manila police at pang-lima ang northern police.

Sinabi ng NCRPO na karamihan sa violators ay pinagmulta lamang o kaya nama’y binalaan.